Sa araw ng ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., umatras si US President Joe Biden sa paglahok sa eleksiyon at sa halip ay inendorso ang Vice President niyang si Kamala Harris bilang nominee.

Ito ang nakalululang galawan sa entabladong internasyonal na haharapin ni Marcos sa papasok na ikatlong taon niya sa puwesto. Ano ang implikasyon ng isang Harris administration, kumpara sa isang Trump administration?
Habang hindi mahirap hulaan na ipagpapatuloy ni Harris ang umiiral na foreign policy ng US sa Asya, hindi malinaw kung magiging reliable na kaalyado ang US sa ilalim ni Trump laban sa tumitinding agresyon ng Tsina, lalo na’t “America First” ang hugot nito sa mga global alliance.
Pero tila least of his problems ang foreign policy kung saan tumatamasa siya ng papuri.
Kapag pumunta tayo sa internal na mga problema, sangkot pa rin ang Tsina — kaya nga tinawag ni Val Villanueva na may “silent invasion” ng Tsina sa Pilipinas. Hanggang ngayon, hindi malinaw ang tindig ni Marcos sa mga Philippine offshore gaming operators o POGO — na habang nagdulot ng bilyon-bilyong revenue sa Duterte administration ay nagbibigay din ng bilyon-bilyong sakit ng ulo kay Marcos dahil sa social cost ng human trafficking, online scams, at kriminalidad.
Marami nang nanawagan, kasama riyan ang mga legal luminaries na sina dating Supreme Court associate justice Antonio Carpio, dating ombudsman na si Conchita Carpio-Morales, at dating justice at human rights secretary na si Leila de Lima. Mismong mga finance managers ni Marcos ay hindi sumusuporta sa pananatili ng mga POGO. Tignnan natin mamaya kung may konkretong aksiyon dito si Marcos.
Ayon sa survey, ang pinaka-urgent na concern ng mga PIlipino ay “taming inflation.” At imbes na inflation ang napaluluhod, tila tayo ang lumuluhod dito — patuloy ang paghihigpit natin ng sinturon sa harap ng mataas na halaga ng bilihin lalo ng bigas.
Sa kabila ng malaking disappointment sa inflation, tila nangangarap pa rin ang administrasyong Marcos. Tinawag ni JC Punongbayan sa video na ito na “delulunomics” lang ito, dahil delusional o hindi nakatapak sa realidad ang projections na malapit na tayong maging upper middle-income country. (PANOORIN In this Economy: Delulunomics)
At kung si Biden, natanggap na, na ang karapat-dapat na tagapagmana ay si Harris, baliktad naman sa Pilipinas. Lalo pang tumitindi ang agwat ng dating recently divorced sa pulitika na si Marcos at Vice President Sara Duterte. At maraming puwedeng kahulugan ang binitiwang salita ni Sara na siya ang “designated survivor” — tingin ba ng pinakamatandang anak na babae ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, magsu-survive siya sa open hostility nilang dalawa? Sa totoo lang puwede, lalo na kung ikokonsidera ang mga resulta ng survey na nagsasabing namamayagpag pa rin si Sara kahit umexit na sa Gabinete.
Pero napag-uusapan na rin lang si Sara, muli naming ipagdidiinan ang kapalpakan ni VP na ayusin ang learning poverty sa bansa — bagay na hindi lamang dapat singilin kay Sara kundi pati na rin sa nag-appoint sa kanya na si Marcos na ginagawang political reward ang puwesto at hindi nagtalaga ng honest-to-goodness educator.
Ngayon, all eyes are on Sonny Angara, ang bagong kalihim ng edukasyon. Maliban sa vague na pangako na itataas ang suweldo ng mga titser, wala na tayong naririnig na malinaw na atake sa higanteng problema ng learning poverty.
Totoo, susi sa pag-igpaw sa kumunoy ng learning poverty ang pagsasaayos ng kalidad ng pagtuturo, na may domino effect naman sa kalidad ng mga estudyante. Mantakin ninyo, ang mga 15-year-old noong 2018 ay hindi nakauunawa ng simpleng teksto. Pero maliban sa teacher’s pay, ano ba ang buong istratehiya, Ginoong Angara?
Anong aasahan natin sa SONA mamaya? Sa totoo lang, ang haba ang wishlist namin. Sa larangan ng civil liberties at media freedom: idecriminalize ang libel, ipasa ang Freedom of Information act, at itigil ang red-tagging.
Atupagin ang mga pangako at apurahin ang backlogs. (BASAHIN: Marcos Year 2: Status of the administration’s promises, progress, and backlogs)
Maliban sa economic reform, seryosohin ang paglaban sa kahirapan: lumayo sa dole-outs at itaguyod ang tunay na social welfare mula kalusugan hanggang edukasyon. Magpatupad ng inclusive transportation. (PANOORIN: Be The Good: Expectations, reality check before SONA)
Sa bandang huli, kung gusto ni Marcos ng “Bagong PIlipinas” hindi ‘yan madadaan sa hymn at pledge — madadaan ‘yan sa puspusang pagtatrabaho (emphasis sa puspusan), pag-tap ng expertise ng academe at professionals, at hindi delulu na plano na maganda lang sa blueprint. Tatlong taon na lang Presidente Marcos — di na puwede ang papetiks-petiks. – Rappler.com